BATANGAN

THE PROVINCE
 
Tito Aguirre

Help GMA -- Mandanas

Gloria Arroyo/Inquirer

BATANGAS CITY (Philippines).
"Akin ngayong ipinahahayag ng buong linaw, liwanag at diin ang ating walang pasubaling paniniwala, pagkilala at paninindigan sa ating patuloy na umiiral na Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas". Ito ang naging buod ng mensahe ni Batangas Governor Hermilando Mandanas sa ginanap na flag raising ceremony noong Lunes, Enero 22 sa Terasang Marmol.

Binigyang diin ni Mandanas na "Sa patuloy na pagtalima sa ating Konstitusyon ay buong puso at maluwag sa kalooban na tinatanggap at kinikilala ang bagong nanumpang Pangulo ng Pilipinas, si Kagalang-galang Pangulo Gloria Macapagal Arroyo".

"Tunay na pinagpala ang Pilipinas at ang mga Pilipino ng isa na namang malaki, mayaman at hindi masukat na himala ang nangyari sa Edsa. FIRST CLASS MIRACLE". "Muli tayong kinupkop ng mapagpalang kamay ng Panginoon, itinayo sa kaniyang banal at maawaing puso, at iniadya sa napakalaking sakuna," dagdag pa ng Pununlalawigan.

Mariin ding hiniling ni Mandanas sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan na samahan siya sa matinding pasasalamat sa Panginoon na hindi na humantong sa isang madugong sagupaan ang mga pangyayari. "Pasalamatan natin na pinalambot ang puso ng mga pinuno na huwag isugal ang kapakanan ng Bayan at kinabukasan ng kabataan".

Napakataas ng pagkilala ng Gobernador sa maagap at matatag ng paglahok ni Chief Justice Hilario Davide sa posisyon nitong buuin ang Supreme Court at ipasyang panumpain sa pagka-Pangulo si Arroyo.

Samantala bilang pangwakas ay muling hinimok ng Pununlalawigan ang mga kawani na makiisa sa bagong pamunuan tungo sa makabuluhang paglilingkod-bayan at ibalik sa mga mamamayan ang serbisyong mabilis at malinis bilang pagkilala sa tagumpay ng Edsa.

Goto top

Tito Aguirre.